ang unang isang libong araw ni baby…..sana

.

unang araw…

nang nagsalubungan ang isang tabod at iyong binhi,

ako’y unti-unting namumuo, parang pazel, na dahan-dahang binubuo;

wala tayong malay, na papariyan na pala ako.

mga siyam na buwan na lang, at ako’y nananabik na ika’y unang masilayan,

umaasang bilisan ang takbo ng mga sandali upang ako’y iyong hagkan.

oo, ako’y nananabik sa iyong mga yakap at pagmamahal.

kahit wala pa akong muwang, ika’y aking ipagdadarasal.

unang buwan…

nararamdaman mo ba ‘nay, ang tibok ng ating puso?

o, ang saya pakinggan ang sabayang pagtibok ng mga ito.

kulang na lang, ako’y tatalon palabas sa sinapupunan mo.

ang sarap pakinggan ang himig ng iyong halakhak, at ng iyong awit

mga heleng nagpapahimig at nagpapaibig; mula sa iyong boses na bigay ng langit.

pangatlong buwan…

‘nay,kung pwede lang sana akong lumabas ngayon, at ako’y iyong hawakan,

makikita mo na sana ang namumuo kong katawan.

gusto ko na sanang mabalot ng pagmamahal at ng init ng iyong mga kamay,

at maramdaman ang mga haplos ng iyong daliri na gumuguhit sa aking mga malilit na bisig.

masaya kaya, nay, kung magkapiling na tayo, magkayakap buong araw, ay, anim na buwan na lang pala.

pagkapanganakan…

andito na ko, ‘nay! matutupad na rin ang aking munting pangarap;

na ako’y iyong hinahagkan habang ako’y iyong kinagarga at niyayakap.

walang kasing saya ang madama na ika’y aking makakapiling.

kahit malabo pa ang aking paningin, pero ang tinig mo ang aking tanglaw

humuhudyat patungo sa lilim ng iyong kanlungan ng puno ng pagmamahal.

unang buwan…

pasensya na po inay, kung kayo’y palaging puyat.

hindi ko po nais, ngunit ang aking mga hiyaw ay ang tangi ko lang hudyat,

tuwing ako’y gutom, o basang-basa; anong magagawa ko po, isa lang po akong sanggol?

pero ang tanging nais ko marinig kahit paulit-ulit ay ang iyong hele.

pangatlong buwan…

napakasaya ko po, ‘nay tuwing nakikita ko ng buo ang iyong mga ngiti.

tuwing kinakausap mo ako, kahit di kita naiintindihan, alam kong ito ay tanda ng pagmamahalan.

akay-akay mo ko, dinadala kung saan-saan, itong mga maliliit na bagay, ay ang aking kaligayahan.

unang taon…

ui, nakakalakad na pala ako. ang bilis lumipas ng mga buwan.

dati-rati, ‘nay, natutuwa ka, tuwing ako’y iyong nakitang gumagapang na rumaragasa.

ngayon, inay, na may alam na po akong konting salita, gusto kong dinggin mo ang aking “wuv u”.

mahal na mahal kita inay, sana alam nyo po. (pupwede po bang mag-‘jabee’ tayo?)

pangalawang taon…

ngayong, unti-unti na kitang lubos na naiintindihan;

kalugod-lugod talaga tuwing ika’y aking pinakikinggan.

tuwing ako’y iyong kwinikwentuhan, ng mga alamat ng mga reyna’t princesa, lobo at dragon

at ang pagdating ng isang prinsepe mula sa hilaga.

pangatlong taon…

abcdefghijklmnopqrstuvwxyz, woohoo, marunong na akong kumilatis ng mga letra,

kulay at kung anong iba pa. sa iyong mga turo inay, ako’y nauuhaw na.

nauuhaw sa kaalaman ng mga bagay-bagay sa twina. ilang buwan na lang pala, ako’y mag-aaral na.

iiyak ba ako, sa una nating pamamaalam?

oo nga pala,

minsan na pala akong nagpaalam.

nung ako’y iyong pinalaglag nung ako’y tatlong buwan pa lang sa iyong sinapupunan.

kasalanan ko ba nay, na ako’y nabuo?

kasalanan ko ba na iniwan tayo ng tatay kong gago?

bakit nay? bakit?

bakit po ba na iyong ipinagkait sa akin ang mabuhay at madama ang pagmamahal?

ikinahiya mo ba ako? pwede naman na ipamimigay mo ako sa iba.

pero sa lahat ng hinanakit ko, mahal pa rin kita.

pinatawad na kita nay, at sana sa pagdating mo dito sa kabilang buhay, muling magkakasama tayo.

kaso, kung mapatawad ka ng diyos, at ika’y pumarito, makikilala mo ba ako?

Posted on